Sabado, Marso 24, 2012
No one can hurt me without my consent.
Pinapayagan ko kasi.
Bakit ko ba ginagawa iyon?
Bakit ko pinapayagan saktan ng ibang tao ang damdamin ko?
bakit ako naapektuhan ng mga ginagawa nila?
Dahil ba may pagmamahal akong nararamdaman para sa kanila?
Nasasaktan ako kasi hindi ayon sa kagustuhan ko ang nangyayari?
Bakit kumikirot ang puso ko kapag ako ay nabibigo? Nakakapagisip nga ba ang puso ko?
Bakit nagrereact ito kapag sumasagi sa isip ko na hindi na tayo tulad ng dati?
Bakit bigla na lang papatak ang luha? Ang bukasan ba ng luha ko ang puso? kapag nakaramdam ng kirot sensyales na ba ng pagbukas ng glandula ko sa mata para maglabas ng maalat na tubig?
Wala ka naman dito sa tabi ko. Malayo ka nga. Ilang libong milya ang layo pero paanong nakukuhang saktan ako?
Kasi pinapayagan ko.
Masokista. Hanggang kailan ako magiging isang masokista? Hanggang kailan ko bibigyan ng paghanga ang mga nagpepenitensya. bakit ko ba ginagawang santo ang mga ito, inilalagay sa pedestal tulad ng mga bayani. Dahil gusto ko rin bang maging manhid na sa lahat ng mga pasakit? Tulad ng mga rebulto ng mga bayaning walang imik sa kinahantungan ng kanyang lahi?
Kadalasan kinukuha ko pa ang kamay mo para ipagduldulan sa pagaling kong sugat. Parang kanser na ang mga pasakit na nararamdaman, may chemo therapy naman inaayawan ko ito. Ayaw kong gumaling dahil ayaw kong bumitaw.
Ayaw kong bumitaw.
Isa itong katangian ng tao na sadyang kahanga-hanga. Piangtabuyan nang lahat, pinamukha na hindi mo n asiya gusto at wala na siyang halaga sa iyo, ayaw pa rin bumitaw. Kasi ang tanging pandikit na pilit kumakapit sa sakit ay ang salitang pag-asa.
Pag-asa.
Madalas kong marinig "Habang may buhay, may pag-asa." Maganda nga naman ang ganoong paniniwala, hindi ka agad susuko. Dahil ang tunay na pagmamahal ay hindi sinusukuan, ilang libong sibat man ang iharang ay iyong susuungin mapatunayan lang ang nararamdaman.
Dito-dito tayo nagkakaproblema. Sa pag-ibig na ito. Mas maganda sa una palang alam mo na kung totoo ba o peke. Kung totoo, kahanga-hanga talaga pero kung peke (na madalas ito ang nangyayari), e kailngan magkaroon ng maiging pagmumuni. Hanggang saan ang pagbabalatkayo? Sa una palang malinaw na dapat, mayroong hangganan ang pekeng pag-ibig.
Tunay nga ang sinasabi ng mga pantas "hindi kailanman mahahawakan ang kawalan, hindi maguguhit ang walang porma."
Dahil kung wala naman talaga, wala iyon. Hindi nakailangan pang pagbaligtarin ang bawat istorya. Kung wala paano mo gagawan ng porma?
Nasa pagtatanong pala ng Wala o meron ang dapat unang-una na alamin.
Dapat naniwala na ako sa aking sarili noon pa na wala nagpaloko lang ko na meron. Ngayon isinisigaw mo na sa mukha ko na wala na, pinagduduldulan ko pa rin nameron. Binubuka ko pa rin ang aking dibdib para suntukin mo ang puso ko, kalmutin mo ng kuko mo handang-handa ko itong ialay para saktan mo.
Dahil pinapayagan ko.
Biyernes, Marso 23, 2012
Top notcher your face
Para sa mga nageexcel sa academics, lalo na sa board exam.
Pangalawang beses ko na naexperience na may makatrabahong board top notcher. Isang taga-Baguio at ngayon ay taga-Cebu.
Noong una ang impresyon ko sa kanila ay medyo ilag, dahil nga sa aking sariling palagay ay may galing talaga sila na dapat lang ibigay. Hindi naman kasi biro ang mag-top sa isang board exam lalo na ngayong panahon na ito na puro na lang kumpetisyon ang nangyayari sa paligid natin.
Malaki ang expectation sa mga taong nangunguna sa iskwela. Parang inaasahan lagi na magproduce ng isang exemplary achivement sa bawat gagawin. Kaya naman marami rin sa mga ito ang nasisiraan ng bait kapag nabigo na magawa ang mga bagay na iyon.
Nong una naisip ko na, kailngan ko na naman gawin pala ang diskarte ko noong college ngayon sa trabaho ko. Ang mag-aral ng mas maraming oras kaysa mga kaklase ko. Hindi naman kasi ako gifted tulad nila, na madaling makapick-up ng lesson. Kailangan ko pang tutukan sa madaling araw ang lesson para lang maintindihan ko. Kapag kasi marami ng istorbo sa paligid ay agad nawawala ang konsentrasyon ko, lalo na kapag talagang complicated at involve ang matinding pagiisip.
Aral dito at aral doon, basa dito at basa doon. Pagtapos ng oras sa opisina sa baay ko naman tinutuloy ang pag-aaral ko. Nakakapressure kasi ang mga kasama ko sa trabaho, isang engineering company ang pinapasukan ko at ang mga pinapadala dito sa main office namin sa Japan ay siguradong may ibubuga, mahirap na mapagiwanan. At iniiwasan ko din namapahiya at masabihan na walang alam.
sa una talagang mangangapa ka, lalo na kapag first time mo makaipagtrbaho sa ibang lahi, lalo na sa hapon. Kilala kasi silang nagpapakamatay sa trabaho, patay kung patay basta tatapusin ko itong trabaho ko. Ito ang mentality na nasa isip ko para sa mga hapones, at totoo nga naman sa 1 taon napagtigil ko doon sapat na panahon na iyon para masaksihan ko kung gaano nila binibigyan ng halaga ang trabaho kaysa pamilya nila.
Ang nasabi ko na lang, "Hindi ko magagawa sapamilya ko iyan." Pero kinokontra din naman ako ng mabisyosong sarili ko, palaging sinasabi sa akin na "dapat hindi ka magpadaig, kung kaya nila, kaya mo din." Kaya naman higit pa sa kayod kalabaw ang ginawa ko. Hindi ko makakalimutan iyong experience ko na hinahabol ang last trip ng subway tren pauwi ng accomodation ko at masabihang "You will not go home until you finish your work, even you die." Napakalupit! Ganoon sila sa trabaho.
Sa kabila ng pagpupursige ay kahit paano pumapasa naman ang pagpapaalila ko sa mga hapon, at mas nakakalamang ako sa kasama ko. Ayaw ko man ikatuwa ay parang nagustuhan ko din. Dahil nga isa itong kasama ko sa tinitingala sa Pinas pagdating sa talino. Pero naisip ko din na may problema ang kasama ko na ito kung bakit hindi siya makapag-perform ng maayos sa trabaho.
Unang-una ay ang kanyang ugali, masyado siyang mahiyain. Malumanay at mahina ang boses. Ikalawa naman, naisip ko, nadahil siya ay top notcher mas nararapat sa kanya ang engineering design work para mas magamit niya an utak niya. Sa linya ng trabaho namin makikita ko na mahalaga ang komunikasyon, logical thinking at imagination. Hindi ko nakikita sa kanya ang ganitong katangian.
Ilan beses na rin namin siyang sinabihan na baguhin nya ang estilo ng pakikitungo niya dahil hindi uubra ang ganoon.
Isang beses, may pinagawa sa kanya ang isang hapon na kasama namin, at hindi niya natapos agad. Sinabihan ba naman siyang "You have big body, you're getting fat, I just hope that it all goes to our head." Napakalaking insulto noon hindi ba? Muntik na niyang masapak ang hapon pinigilan ko lang sinabi lang sa kanya na isipin ang pamilya niya.
Ano ba ang gusto kong sabihin dito? Ang gusto ko lang ipunto na porke nag-excel ka sa isang bagay ay ibig sabihin ay kaya mong mag-excel sa iba. Dapat piliin mo mabuti ang trabaho na papasukan mo kung ayon ba ito sa personalidad na mayroon ka. Mas mapapadali kasi ang paggawa sa isang bagay kung ayon ito sa iyo.
Ganito rin pala ang ugali ng kasama ko ngayon. May sariling mundo rin. haay, paano kaya ito hirap kasama.
Huwebes, Marso 22, 2012
Para masabing mabait
Ano ba ang kailangan mong gawin para mapatunayan na mabait kang tao?
Iyan ang post ng coworker ko sa kanyang fb.
Ito lang nasabi ko.
Wala kang dapat patunayan. Kung ano ang sa tingin mo ay tama para sa iyo, iyon ang gawin mo.
Mapapansin ninyo ang salitang "para sa iyo" ibig sabihin unang-una mong isaalang-alang ang sarili mo sa lahat ng gagawin mo. Kung sasaya ka sa isang bagay at makakabuti ng iyong damdamin nararapat lamang na gawin mo ito. Sarili mo iyan e, ikaw lang kasi ang makakapagpasaya, ikaw lang ang makapagsasabi kung saan ka masaya.
Isa pang pinunto ko e, "Kahit na ilang libong beses ka gumawa ng mabuti at magkamali ng isang beses, ang pagkakamali mo lang na iyon ang makikita ng mga tao."
Tama 'di ba? Ganoon naman palagi e, tapos kapag nangyari iyon parang napakasama mo na talagang tao. Para bang hindi ka na pwedeng magkamali. Bakit Diyos ba ako? O isang banal na nilalang na hindi kailanman dapat magkamali? Kahit na nga ang isinugo ng Diyos nakukuha pa din magkasala, hindi ba?
Sabi sa bibliya "Kung sino ang walang kasalanan, siya ang unang pumukol ng bato."
Kasi kung iintindihin natin ang mga sinasabi ng ibang tao walang mangyayari sa buhay natin. hindi natin kailangan iplease o paligyahin natin sila ayon sa tingin nila na tama. Isang kahipokritohan ang ganoon, wala kang sariling paninindigan kapag ganoon ang ginagawa mo. Parang isang malaking pagkukunwari lang ang buhay mo. Parang kusang loob mo lang na ipinasok ang sarili mo sa isang hawla, ikaw mismo ang nagbibigay ng paghihirap sa sarili mo.
Bakit? Sino ba ang mga tao na kasama mo ngayon? Kung bago mo lang sila kakilala, ano ba ang halaga nila bakit kailangan pakibagayan mo sila? Alam ba nila ang nangyari sa iyong kahapon? Kasama ka ba nilang lumuha ng nasaktan ka? Sila ba ang nagbigay sa iyo ng lakas ng loob para malamapasan mo ang pagsubok sa iyo? Hindi naman, 'di ba?
Kaya wala silang karapatan o kung ano man na magsalita o magsabi sa iyo na hindi ka mabuting tao.
Babalik ako sa unang sinabi ko. Ikaw ang makakapagsabi kung mabait ka o hindi. Ikaw lang ang makakapagpasaya sa sarili mo. Huwag mong isipin ang ibang tao. Dapat nga na isipin mo na ginagawan mo lang sila ng pabor na isaalang-alang sa mga giangawa mong desisyon sa buhay mo.
"Each of us has its own shit to deal with and you don't want to mess with other people's shit."
Martes, Marso 20, 2012
Ngayon
Hahamunin ko si kamatayan.
Wala na akong gana.
Doon ako sa mga delikadong lugar.
Doon sa hindi ka makakapunta.
Sa panaginip mo lang ako kayang dalawin.
Papayagan naman kita paminsan-minsan.
Magiging okupado ang isip ko kasi doon
mauubusan na ako ng oras patuluyin ang nakaraan
dahil ang importante sa lugar na iyon ay ang ngayon
Hindi ang bukas...
'di bale na ang bukas..siya na ang bahala na mag-alala
sa kung anong mangyayari sa kanya...
Linggo, Marso 18, 2012
Para Saan pa?
Para saan pa ang gagawin kong pagpaparamdam sa iyo?
Para maalala mo ang mga pasakit na ibinigay ko sa iyo?
Bakit mo ako pinapahirapan, Ed?
Ikaw na rin ang nagsabi lubayan na kita.
Pero bakit dinadalaw mo pa rin ako sa panaginip?
Gustuhin ko man ay pinipigilan ako ng mga salitang binitawan mo sa akin. Sa dami ng pagtatalo ng aking sarili ay nauuwi lang ito sa "para saan pa?".
Para ipamukha mo na, ako lahat ng may kasalanan ng lahat? Ikaw lamang ang biktima?
Iyan ang gusto mong maramdaman ko hindi ba? Alam mo bang sa tuwing maalala ko ang sinabi mo na iyan habang tumutulo ang luha mo ay nadudurog ang puso ko.
Kung pwede lang nga dukutin ito at itapon. Ayaw ko na kasing bigyan pa ng oras ang ganitong damdamin kasi alam ko wala rin naman pupuntahan.
Ako ang salarin, Ikaw ang biktima.
Tulad ng paulit-uli tmong ibinabato sa akin...ikaw ang biktima dito...nakakalungkot isipin na ang lahat ng panahon na iyon ay balewala lang.
Huwebes, Marso 15, 2012
Pekeng sapantaha
Gusto mong magsulat ng mga entry na inspirational ang dating. Iyong tipong may mapupulot ang mambabasa mo. Pero hindi lumalabas ang mga salita dahil parang wala kang karapatan isulat ang mga ito. Ang mga ginagawa mo ngayon ay bumabara sa mga lagusan ng tunay na kaalaman.
Hindi mo kailangan magpakapantas para maliwanagan, dahil ang tunay na kaalaman ay nasa paligid lang. Kung ang isang tao ay ibubukas ang kanyang mga mata ay makikita na niya ang dapat niyang gawin sa buhay.
Pero marami ngang mga gumugulo sa tao. Marami siyang dapat pakibagayan. Marami siyang dapat bigyan ng pabor. Itong mga dahilan na ito ay para maituring siya bilang kasama ng lipunan.
Dahil kapag nagawi sa karamihan ang iyong gawa ay itatrato ka nilang baliw. O kailangan ng madidibang paliwanagan para makita mo ang iyong dinadaanan. Ngayon hindi mo sila maintindihan bakit ganoon? Hindi naman nagdidilim ang landas mo, bakit pilit ka nilang inaalok ng huwad na liwanag.
Para ba ikaw ay makapagpamalas ng huwad na kaalaman?
Baka, mapagbalat kayong pamumuhay.
Hindi ka makakapgsulat ng mga aral sa buhay kung ang buhay mo mismo ay puno ng kasinungalingan. Hindi magtatagal ang mga panlilinlang. Mapapagod ka o mabubuking sa iyong mga pekeng sapantaha.
Miyerkules, Marso 14, 2012
Gago ang itawag mo sa akin
Matatawag bang matinong tao ang nagtatrabaho ng tapat? Nagpapawis at pinaghihirapan ang bawat perang natatangap bilang kabayaran sa serbisyong ibinigay sa kumpanya? Matatawag mo pa rin bang matino ang tao na iyon kung habang nagtatrabaho siya ay gumawa siya ng kalokohan?
Magkakontra ang dalawang bagay na ginawa, napunta din sa wala ang isang equation na ito.
Pwede palang tawagin o walang tawag sa ganoong klase ng tao, wala. Wala? Ibig ba sabihin nito e, hindi siya nageexist? Tama! Dahil dapat lang na ituring na hindi nageexist ang ganitong tao.
Dahil isang gago lang ang gumagawa ng ganitong bagay. E, di pwede natin siyang tawaging Gago?
Pwede, at dapat lang na Gago ang itawag sa kanya.
E paano kung ang ginagawa mong matinong bagay ay mas matimbang sa mga kagaguhan mo?
E, loko-loko ang tawag doon.
Loko-loko? Parang baliw na iyon ah.
Oo, baliw nga.
Sobra ka naman humusga. Hindi mo naman alam ang dahilan kung bakit ginagawa niya iyon.
Ano ang dahilan, aber?
Maari kaya niya ginagawa iyon ay para mabawasan ang pressure na nararamdaman niya. O di kaya, para malibang naman siya kahit paano. Hindi ba, sabi nila na hindi uubra ang "All work, no play." sa isang tao.
sabagay may punto ka, dapat pala sinabi mo napagusapan natin kanina ang degree ng pagkagago niya. Baka nga naman para lang sa pagkakalibangan iyon.
Iyon ang dapat natin alamin bago natin husgahan ang isang tao.
Teka-teka, hindi ba parehas pa rin iyon, hindi gaanong gago, gago, sobrang gago, iyon parin iyon may gago pa din.
Huwag na nga natin pahabain ang usapan.
Ok, sige na nga, gago tayong lahat.
Martes, Marso 13, 2012
Pakiusap, pillin nyo po ako
Paano mo malalaman kung tinatawag ka ng Diyos na paglingkuran siya?
Ito ang tanong na pumasok sa isipan ko habang pinapanood si Bro. Eli soriano na sumasagot ng tanong?
Maraming mga verses sa bible ang binigay niya na may relasyon naman sa bawat isa. As expected naitatanong ang tungkol sa kung sino ang tunay na simabahan ng Diyos? Tama nga naman, sa dami ba naman ng mga nagaaral na ngayon ng bibliya e talagang malilito ka. Hindi katulad noong unang panahon na ang tanging pinagmumulan lang ng aral ay ang simbahang katoliko.
Pero sa pag-unlad ng teknolohiya nagkakaroon na ng pagkakataon ang tao na makapagtanong at kwestiyunin ang mga turo sa kanilang pananampalataya.
Paano nga ba malalaman ng isang tao na ang Diyos na ang tumatawag sa kanya? O kaya paano nalalaman ng pari na talagang siya ay magsisilbi sa Panginoon? Gayundin ang mga preacher?
Maraming mga kwento at mga pagpapatunay akong naririnig. May mga nakausap sa panaginip o kaya may na-experience na life and death situation, meron naman namatay na pero nabuhay muli. Kailangan pa kaya talagang maexperience ng isang taong katulad ko ang mga hindi ordinaryong pangyayari na iyon?
Nabasa ko din sa diyaryo na totally nagbago na daw si Pacquaiao, wala nadaw ang dating sabungero, babaero na Pacquiao at ngayon ay isinilang na ang maka-Diyos at puno ng pananalig sa May Kapal. Isang panaginip daw ang nakapagpamulat sa kanya, kinakausap siya ng Diyos at may kung anong liwanag na hindi niya makuhang makatingin at nagising siyang lumuluha. Ito na kaya ang isa sa signos ng Panginoon?
Parang nakakainggit hindi ba? Sinabi ko kasi sa kanya na suko na ako, ayaw ko ng makipagtagisan sa kanya, sumuko na ako sa Panginoon, na isya ang pinakamataas at pinakamakapangyarihan sa lahat at ako ay isang kuto lang na kaya niyang tirisin. Sa tuwing dinadalaw ako ng lungkot at pagkahiya sa aking sarili nagsusumamo ako sa kanya na kunin na niya ako. Ayaw ko na, mas gusto ko sakaniya, dahil alam ko sa kanya hindi na ako masasaktan, aalagaan niya ako tulad ng pagaalaga sa isang sanggol ng isang magulang.
Pero ayaw pa ng Panginoon, marahil kailangan ko pang mapagtibay talaga ang aking pananampalataya, marahil gusto niya pang pagtibayin ang sinasabi kong pagsuko sa kanya. Sinusubok ako ng Diyos kung gaano katatag ang aking pananampalataya. Kung talagang totoo ba ang aking sinasabi, o dahilan lang iyon ng aking mga kalungkutan.
Naiisip ko nga na sana noon pa ako nakinig sa Nanay ko, noon pa ako naniwala na sa Diyos lang talaga mapapanatag ang kalooban ng isang tao. Sa kanya lang..dahil ako ay puno ng bagabag, sa mga mangyayari pa sa aking buhay. Pero alam ko na kapag sa kanya ako sumandal ako ay kanyang aakayin patungo sa buhay na itinalaga niya sa akin.
Ang sabi ng preacher na si Bo Sanchez noong Linggo, na "You do not choose to be with GOD, GOD Choses you." Nang marinig ko iyon, nasambit ko na lang, God please choose me, please Lord choose me.
Lunes, Marso 12, 2012
Kontrapelo
Napakabait mo. Ilan beses na kitang sinaktan pero
pinapatawad mo pa rin ako. Ngunit hindi ko alam ang nangyari
sa iyo nitong nakaraang araw, para kang nataihan ng ibong
Adarna at ang puso mo ay naging bato. Marahil napuno na ang
salop. Hindi mo na kinaya ang mga patong-patong na bigat ng
kalooban. Dahila ang pilat na dating mababaw ngayon ay
parang kanser, sagad sa buto ang sugat nanunuot sa iyong
kalamnan.
"Tama na Ed, ayaw ko na. Hindi mo na ako makukuha pa sa mga
drama mo." Tigilan mo na ako please, kung talagang tunay ang
nararamdaman mo, maawa ka, pakawalan mo ako. Kahit konti
lang, bigyan mo ng respeto ang hinihiling ko." Iyan ang
huling kataga na sinabi mo sa akin.
Hindi nga umubra ang lahat ng gayumang alam ko, nakahanap ka
na ng kryptonite pangontra sa aking itim na kapangyarihan.
Maski na ang mga dasal sa Latin ay pawang mga gimik na
lamang. Bago ang aking antipara pero hindi ko makita ang
iyong kalasag laban sa mga pinupukol kong pampaalo, para
tuloy mga hinipan ng hanging sinlamig ng amihan na bumalik
ito sa akin.
Maaring natutulog ako kagabi nang tumama ang malaking
bulalakaw at lumikha ng isang kumot na pananggalang sa init
ng araw kaya ang puso mo'y nabalutan ng yelo at niyebe.
"Masarap palang mamanhid sa kalamigan.", sambit mo. "Ito
pala ang nararamdaman mo noon. Bakit ngayon ko lang
natikman?"
Ang isip ko lamang ang sumagot sa katanungan mo, dahil ayaw
ko na marinig mo ang kapaitan ng katotohanan..na ang tanging
nakakapagpatunaw sa mga yelo ay ang luha ng iyong mga mata
sa tuwing tayo ay magkakaroon ng alitan. Ngayon naubos na
ang laman ng balon, wala na rin gatong na magagamit,
kawangis na ng bato ang iyong paninindigan na hindi na ako
muling payagan na ika'y saktan.
Paalam Ed, dumating na ang taglamig sa aking buhay wala na
akong magagawa kung hindi magkulong sa kwarto ng aking
pag-iisa.
Sama ng loob
Hindi mo kayang pigilan ang baho ng utot ko.
Dahil kahit na anong pigil ang gawin mo, hihinga at hihinga ka pa din. Mas lalo ka lang nahihirapan sa pag-iwas ng iyong ulo. Niloloko mo lang ang sarili mo na kapag tumingin ka sa kaliwa, akala mo ay hindi susunod ang makamandag na baho nito.
Hindi mo na makayanan, kinakapos ka na. Bumibilis na ang pintig ng puso mo.
Hanggang sa ibinigay mo na.
Langhapin mo ang baho.
Langhapin mo ang nakakasulasok na kabahuan.
Sa una lang nakaririmarim iyan, niloloko ka lang ng tulog mong pagiisip.
Tingnan mo, ngingiti ka na at bubulalas ng....
"Tang-ina! Baho ng utot mo!"
At sasabihin ko naman sa iyo, ikaw na lang nga ang nakikiamoy, nagagalit ka pa.
Sabay lalabas ang nakakahilakbot na halakhak sa inyong mga nagmamantikang bunganga.
O, di ba? Parang Laughing gas lang.
Kaya sa susunod na uutot ako, buong puso mong ibukas ang mga arteries ng iyong baga sa pag-amoy nito. Gawin mong parang bagong calibrate na suction pump ang lakas ng paghigop mo dito. At hindi ka mabibigo, uulitin mo ulit ang kataga, noong una mong matikman ang kabahuan ng utot ko.
"Tang-ina! Baho ng utot mo!"
Sabi nga ni Bruce Lee....
"Maging tubig ka, pre."
Iyon ang dapat mong gawin, dahil hindi mo kayang pigilin ang lakas ng agos ng kababuyang gagawin ko. Masanay ka na, dahil sa pakikipagpatintero mo sa buhay ay maraming mas hayop pa sa akin ang uutot sa pagmumukha mo. Kumbaga, isang initiation lang ang lahat ng ito. Kapag pumasa ka, umasa ka na sa susunod na malagay ka sa ututan sitwasyon ay ang halakhak mo ang mangingibabaw.
At kung talagang ikaw nga ang "The One" ay makakayanan mo pang tumae sa harap nila sabay sabi ng "Dodge this."
At kapag nangyari iyon, mabilis na magsisitalsikan na parang tae ng kalabaw na nasagasaan ng rumaragasang truck na may dalang basurang higit pa ang amoy sa pinagsama-samang utot ng mga buwayang nasa sesyon ng kongreso, ang mga kasama mong mga huwad na pilit nanlilinlang sa mga mang-mang na taga-linis ng tae sa kalye.
At kapag nangyari iyon, matutupad na nga ang propesiya. Ikaw ang magpapasimula ng panibagong pakikipagharutan sa mga kampon ng kababuyan sa mundong ito.
Ikaw ang iistorbo sa tahimik na tubig sa lawang patay.
Ikaw ang mahinang hangin na magtatangal sa tuyong dahon sa sanga.
At kapag nangyari iyon, ang pagbabago na inaasam ng lahat ay sisibol na. Dahil ang katulad mo ay wangis ang damo sa pathway ng iskwelahan, kahit ilang ulit na tapak-tapakan ay hindi mapipigil ang pagusbong muli nito. Tulad ng mga anitong at aswang na pilit pinapatay ng mkabagong teknolohiya, pero bigo pa rin sila. Ikaw ang kulam at gayuma na hindi pinaniniwalaan pero iniilagan.
Nanalaytay sa iyong ugat ang dugo ng mga damong ligaw at damong kalabaw. Hindi kayang igupo ng kabag na naging utot sa tagal ng pagkakabilad sa pagpapanday ng daan para sa iyong magiging henerasyon.
Dahil kahit kailanman, hindi na maaring lagyan pa ang punong tapayan, kailangan ubusin muna ang laman nito bago maipasok ang panibagong binhi ng susunod na kabanata ng buhay.
Sa huli susunod ka pa rin sa iyong mararamdaman, kukulo at hindi mo mapipigilan...
Kaya ang tanging payo ko. I-tae mo na iyan.
Huwebes, Marso 8, 2012
Ikaw at ako
Sometimes believing in yourself is a conscious decision not to believe others.
Bakit nga ba?
siyempre ikaw lang ang nakakakilala talaga sa sarili mo. Ikaw ang humaharap sa salamin at nakikipagusap sa gaya-gayang kahawig mo sa salamin. Siya ang laging mong kasama, masaya o malungkot. Mas nakikilala mo siya kapag siya ay malungkot dahil siya lang ang laging handa na samahan ka sa mga page-emote mo sa buhay.
Madalas nga sikretong usapan ninyo sa loob ng opisina, o kaya kung ikaw ay bigla na lang natutulala. Nadadala ka nya sa kanyang mga kwento ng pakikipagsapalara. O dili kaya ay kayang ka nyang dalhin sa mundo ng kawalan. Bingi sa ingay ng katotohanan kahit panandalian lamang.
Mas madalas tuloy mas pinipili mo pang maging tulala, dahil alam mo na doon k alang mapapayapa. Akala tuloy ng iba nababaliw ka na, pero sa totoo inggit sila sa nangyayari sa iyo.
Tama ba na paminsan-minsan lang ang pagtitiwala mo sa kanya? Isipin mo, kung hindi mo siya paniniwalaan may mararating ka ba? Sa tingin mo kaya kabang paangkasin ng mga taong pinagkakatiwalaan mo at dalhin ka sa lugar na gusto mong marating? Hindi, 'di ba? Dahil kung wala siya at hindi ka naniniwala sa kanya ay hanggang ngayon nangangalit pa rin ang ipin mo at nagtatanong na, "Ano ba ang dapat kong gawin para mapunta sa kinalalagyan nila?"
Samakatuwid, ikaw at siya ay kailangan maging magkasangga, dahil siya ay ikaw. Ang pagkabigo mo ay pagkabigo niya. Ang tagumpay mo ay tagumpay niya.
Miyerkules, Marso 7, 2012
I am not a role model
"I am not a role model." - Brooklyn's Finest
Habang nanonood ng HBO kagabi ito ang tanging linya na napick-up ko sa pelikula.
Naalala ko tuloy ang mga nabasa kong mga verses sa sa Bibliya sa libro ng Kings at ang isang blog entry ni Charlie (na taga-US). Wala naman talagang perpekto. Kailangan matutunan natin tanggapin na darating ang panahon na may magagawa tayong mali. Kahit na ang pinakamagalaing na hari nagkakasala at pinaparusahan pa rin ng Diyos dahil sa hindi lubusang pagsunod sa lahat ng pinaguutos ng Panginoon.
Nakakapagpamulat din ng isipan na kahit na anong dami ng nagawa mong tama ay kayang burahin lahat ito ng isang pagkakamali.
Nakakatakot alam nyo ba iyon? Sobra talaga na nakakatakot ang aral ng bibliya, "You really have to fear God's wrath."
Speaking of Charlie, may isa siyang blog entry tungkol sa pagiging fair o patas.Sang-ayon ako sa punto niya na kailanman hindi naman patas ang buhay, laging may mataas at laging may mababa, laging may nanlalamang at may nalalamangan kaya kung gusto mong maging matatag at hindi maging kawawa gawin mo ang lahat ng makakaya mo, para malabanan ang unfairness na sinasabi mo. Iyong mga ngumangawa daw ay mga "pussy" o duwag, badingerzi...kung hindi mo kayang makipagsabayan 'wag ka na pumutak ng kung ano-ano hindi ba? Tumahimik k ana lang at isipin o pagplanuhan kung paano ka mas makakaungos o paano magiging patas para sa iyo ang isang sitwasyon.
Sabi nga ng pinsan ko na nasa US noong bumisita at kinuha ang laruan ko na bigay ng ninong ko na kano na nagtatrabaho sa subic Bay, "Cry Baby! He's going to cry now!"
Tama ang buhay ay hindi patas. Iyon ang katotohanan, hindi magiging patas. Namatay na ang ideyalismo ng komunismo noon pang 1989 ng bumagsak ang USSR. Ang pagkapantay-pantay ng mga burges at mga manggagawa ay hindi kailanman magkakaroon ng katotohanan.
Martes, Marso 6, 2012
Palpitate
Palpitate - to move with a slight tremulous motion; tremble, shake, or quiver.
Ang pagtibok ng puso ng higit pa sa normal na bilis nito. Parang ninenerbyos o kaya kinakabahan. Ang taong nakakaranas nito ay pawang nababalisa, o kinukutuban na baka may masamang nangyari sa kanyang mga mahal sa buhay. Nagiging sanhi din ng pagkapuyat o 'di pagkakulang sa tulog ang palpitaion.
Katulad na lang ng nangyari sa akin kagabi. Nagising ako ng mga alas 11:30 ng gabi tapos hindi na ako nakatulog dahil sa bilis ng tibok ng puso ko. Ang pnagunahin kong naisip na dahilan ay dahil siguro sa paglalar ko ng 3 game ng basketbol kagabi. Sa sobrang pagod ay 'di pa magawang marelax ng puso ko at bumalik sa normal na tibok nito. Ikalawa naman ay ang sobrang paginom ko ng kape, ng purong kape, walang asukal, walang creamer, kape lang talaga.
Nararamdaman ko ang palpitation kapag nakakashot ako nito.
Ikatlo naman ay ang bumabagabag sa aking damdamin, ipinasiya ko na tigilan na ang pakikipagharutan. Makaksakit lang ulit ako ng damdamin. Ganun yata talaga kapag parang nasasaktan ka din sa gagawin mong desisyon.
Kailangan mo gawin para na rin sa nakararami. Hindi bale ng ikaw na lang ang pansmantalang makaranas ng kalungkutan. Tama, pansamantala lang naman iyon, hindi naman lahat ng panahon e malungkot. Pinapalala lang ng pagkakataon dahil nga ako ay nagiisa at sobrang miss ko na ang aking pamilya.
At sa una palang mali na talaga ang ganoon klaseng paguugali. Masyado kolang dinidibdib ang mga binabasa ko.
Ayaw ko na nga magbasa ng mga self-improvement books, ano-ano lang kasi ang mga nagagawa ko sa pagtuklas kung epektibo ba talaga ang mga tip ng mga eksperto sa larangan ng pagpapaunlad sa sarili.
Mas importante ang kasimplehan ng buhay. Sa bandang huli naman mas pipiliin mo pa ang tahimik na buhay lalo na kapag hindi ka na ganoong kagilas tulad ng kabataan mo, hindi ba? Mas maliligayahan ka pa sa mga bagay na mas nagbibigay importansya sa pakikipagkapawa tao.
Dapat lagi kong isipin ang ganoon. Mas magandang maraming kaibigan kaysa kaaway.
Naisip ko din habang papasok sa trabaho ngayon kaya siguro hindi ako napayapa kagabi ay hindi ko man lang sinubukan magdasal, kausapin ang Diyos. Baka sa pamamagitan noon mapayapa ang damdamin ko. Tama, dapat lagi kong isama kahit na sa maliliit na pasya na aking gagawin ang Diyos.
Sana lagi kong maalala.
Pagpapakilala
"Late bloomer na nakikiuso lang." Ito sana ang isusulat ko sa unang post ko kaso biglang nagtalo ang isipan ko na hindi na pala uso ang blog, hahaha!
Gumawa lang ako nito kasi nakakabato sa opisina. Dati kasi nagsusulat talaga ako ng kung ano-anong tae na pumasok sa isipan ko. Pero may mga nangyari sa akin na napagdesisyunan ko na burahin ang una kong talaarawan ng kabaliwan.
Naging palaboy n alang ako, kahit saan at nong klase ng papel na lang ako nagsusulat. Kaya naman matapos magpalaboy-laboy e, humanap muli ako ng bahay.
Gusto ko ang gmail, kasi para sa akin na 'di maalam gaano sa kompyuter ay feeling secured sa security option ng gmail. Tapos sa pagkakalikot ko sa mga option nito ay nakita ko ang blogger, kaya iyon natukso akong sumulat muli.
Hindi ko kino-consider na maayos ang isisulat ko dito, mga kung anong tae lang sa utak ko ang ilalagay ko. Siyempre ngayon magiging tapat na ako sa sarili ko, kaya lahat ng shit na naiisip ko ay isusulat ko dito.
Bahala na ang mga magbabasa kung meron man, basta susulat ako. Gusto ko lang maipon ang lahat ng mga tinae ko para sa pagtanda ko ( kung papalarin) ay may mababasa akong mga kataehan na pinaggagawa ko. (Makikinog kaya ang Apo ko? Magkaka-apo kaya ako?)
Nga pala, ito ang ilang impormasyon ukol sa akin.
Nakapagtapos naman ako ng kolehiyo, at nasa isang teknikal na uri ng trabaho. Kung saan nakakaramdam ako ng satisfaction naman sa ginagawa ko, iyong bang may makita kang accomplishment na pwede mong maipagmalaki kahit paano.
May sarili na akong pamilya, buhay pa ang aking mga magulang at dalawa ang aking kapatid.
Lumaki akong isang katoliko pero gusto ko pang lumalim ang kaalaman ko sa relihiyon.
Naniniwala ako sa maka-demokratikong pamamaraan ng pamamahala.
Lohikal akong tao.
Mahilig ako sa rock, country music at classical. Pero gusto ko rin ng rap ng pinoy, mas may emosyon at nakakarelate ako sa kanilang mga tula.
Nakatira ako sa kubo sa tabing ilog, na napapaligiran ng maraming puno. Hindi ko mapatubo ang damo sa harap ng bahay ko.
Gusto ko sana motor at bisikleta lang ang aking sasakyan pero may pamilya ako kaya kumuha na din ako ng may apat na gulong.
Pangarap ko sa buhay ay magkaroon ng sariling bukid, ayaw ko talagang mahiwalay sa pamilya ko.
Marami pa akong ibabahagi na tungkol sa akin sa mga susunod na mga post ko dito.
Hanggang sa muli.
Pino
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)