Lunes, Marso 12, 2012
Kontrapelo
Napakabait mo. Ilan beses na kitang sinaktan pero
pinapatawad mo pa rin ako. Ngunit hindi ko alam ang nangyari
sa iyo nitong nakaraang araw, para kang nataihan ng ibong
Adarna at ang puso mo ay naging bato. Marahil napuno na ang
salop. Hindi mo na kinaya ang mga patong-patong na bigat ng
kalooban. Dahila ang pilat na dating mababaw ngayon ay
parang kanser, sagad sa buto ang sugat nanunuot sa iyong
kalamnan.
"Tama na Ed, ayaw ko na. Hindi mo na ako makukuha pa sa mga
drama mo." Tigilan mo na ako please, kung talagang tunay ang
nararamdaman mo, maawa ka, pakawalan mo ako. Kahit konti
lang, bigyan mo ng respeto ang hinihiling ko." Iyan ang
huling kataga na sinabi mo sa akin.
Hindi nga umubra ang lahat ng gayumang alam ko, nakahanap ka
na ng kryptonite pangontra sa aking itim na kapangyarihan.
Maski na ang mga dasal sa Latin ay pawang mga gimik na
lamang. Bago ang aking antipara pero hindi ko makita ang
iyong kalasag laban sa mga pinupukol kong pampaalo, para
tuloy mga hinipan ng hanging sinlamig ng amihan na bumalik
ito sa akin.
Maaring natutulog ako kagabi nang tumama ang malaking
bulalakaw at lumikha ng isang kumot na pananggalang sa init
ng araw kaya ang puso mo'y nabalutan ng yelo at niyebe.
"Masarap palang mamanhid sa kalamigan.", sambit mo. "Ito
pala ang nararamdaman mo noon. Bakit ngayon ko lang
natikman?"
Ang isip ko lamang ang sumagot sa katanungan mo, dahil ayaw
ko na marinig mo ang kapaitan ng katotohanan..na ang tanging
nakakapagpatunaw sa mga yelo ay ang luha ng iyong mga mata
sa tuwing tayo ay magkakaroon ng alitan. Ngayon naubos na
ang laman ng balon, wala na rin gatong na magagamit,
kawangis na ng bato ang iyong paninindigan na hindi na ako
muling payagan na ika'y saktan.
Paalam Ed, dumating na ang taglamig sa aking buhay wala na
akong magagawa kung hindi magkulong sa kwarto ng aking
pag-iisa.
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento