Miyerkules, Abril 11, 2012
Tuyong dahon
Balik na naman ako dito sa trabaho ko. Ganito lang naman talaga ang
buhay ko, magtatrabaho ng ilang buwan tapos magbabakasyon ng ilang
linggo para makasama ang pamilya ko. Magkaroon ng bonding sa kanila
para maging matatag ang relasyon namin.
Teka bakit nga ba ito ang unang pumasok sa isipan ko? Hindi ko man
lang naisip na unahin na bigyan ng pahinga ang pagal kong katawan.
Ganun nga ba talaga? Hindi ba dapat kapag nagbabakasyon ka e narerelax
ka? Napapahinga mo ang katawan mo at magagawa mo ang gusto mong gawin
na hindi pwede o hindi mo magawa sa trabaho mo.
Nabadtrip kasi ako nitong nakaraang bakasyon ko ng hindi ko man lang
magawa ang gusto kong gawin? Naisip ko para saan pa itong bakasyon na
ito? Gusto kong sabihin sa kanya na hindi ako masaya ngayong bakasyon
dahil pinipigilan mo ang gusto kong gawin? Bakit?
Hindi mo ba alam na nagpapasaya sa akin ito? Bakit ikaw? LAgi kitang
pinapayagan sa mga gusto mo? Ako hindi.
Shit 'di ba? Ayaw ko sa lahat iyong kinkontrol ako e. Please lang
huwag mo akong kontrolin magaaway lang tayo.
Pero hindi ko sinabi sa kanya ang mgaiyon dahil alam ko magkakaroon
lang ng tampuhan ang maiksing panahon na kasama ko sila. Nagbuntong
hininga lang ako tinuon na ang isipan sa ibang gawain.
Pagkatapos kong walisin ang sandamakmak na tuyong dahon na nalaglag
mula sa namumungang puno ng mangga sa harap ng bahay ko ay sinigaan ko
ito. Habang tinititigan ang maliit na apoy mula sa posporo ay may kung
anong kamalayan ang dumapo sa utak kong bulok.
Bakit nga ba nalalaglag ang mga dahon na ito? nalalaglag sa mga
sangang humahawak sa kanila. Hindi ba ang sanga ang nagbibigay ng
buhay? Pwede rin palang sila rin ang mag-alis nito. Katulad nang
pagkalaglag ng mga tuyong dahon. Bakit kaya pinapayagan ng puno na
malaglag ang dahon na gumagawa ng kaniyang pagkain? Ibig bang sabihin
kapag hindi na ganoon kaepektibo o ganoon kaproduksyon ang paggawa ay
dapat na itong ilaglag? Ito siguro talaga ang natural na batas ng
inang mundo. Kapag wala ka ng silbi doon ka na lang sa isang tabi.
Pero doon ba nagtatapos ang buhay ng isang dahon?
Sinuri kong mabuti ang mga pangyayari at nalaman ko na hindi doon
natatapos ito. Dahil napansin ko na nagkalat ito sa aking bakuran at
kailangan tipunin. Nagsorry ako sa mga dahon na kailangan ko silang
sunugin dahil wala pa akong nagawang kompost upang maging pataba na
lang sila ng lupa at maging parte muli ng punong nagbitiw sa kanila.
Isang maliit na bundok ng tuyong dahon ang unti-unting tinutupok ng
apoy, Parang naririnig ko ang sigawan nila nangangalit, kailangan kong
mag-ingat dahil nakakapaso ang huling bitaw ng kanilang lakas. huling
enerhiyang galing sa kanilang patay na katawan ay kayang lumikha ng
napakalaking sunog na kayang tumupok sa mga buhay na halaman.
Kahit pala patay na may dala pa rin panganib, ito siguro ang
sinasabing nagmumulto ang mga patay.
Sandali lang ang itinagal ng apoy mabilis kasing natupok ang tuyong
dahon. "Tapos na kayo, ang sabi ko sa aking sarili." Pero may baga pa
rin natira, hindi pa pala dahil kung iihip ng medyo malakas ang hangin
ay maaring liparin ang mga alipato patungo sa kung saan, baka
mabagsakan ang isang kumpol ng tuyong dahon at magsimula ng bagong
apoy, napakadelikado.
Dapat pala e huwag tigilan ang pagbantay sa pagkasunog ng mga tuyong
dahon na ito hanggang maging abo na lang sila. Dahil kapag nangyari na
ito matutupad na ang propesiya ng bibliya, "sa abo ka nagmula, sa abo
ka babalik."
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento