Lunes, Marso 12, 2012

Kontrapelo


Napakabait mo. Ilan beses na kitang sinaktan pero

pinapatawad mo pa rin ako. Ngunit hindi ko alam ang nangyari

sa iyo nitong nakaraang araw, para kang nataihan ng ibong

Adarna at ang puso mo ay naging bato. Marahil napuno na ang

salop. Hindi mo na kinaya ang mga patong-patong na bigat ng

kalooban. Dahila ang pilat na dating mababaw ngayon ay

parang kanser, sagad sa buto ang sugat nanunuot sa iyong

kalamnan.

"Tama na Ed, ayaw ko na. Hindi mo na ako makukuha pa sa mga

drama mo." Tigilan mo na ako please, kung talagang tunay ang

nararamdaman mo, maawa ka, pakawalan mo ako. Kahit konti

lang, bigyan mo ng respeto ang hinihiling ko." Iyan ang

huling kataga na sinabi mo sa akin.

Hindi nga umubra ang lahat ng gayumang alam ko, nakahanap ka

na ng kryptonite pangontra sa aking itim na kapangyarihan.

Maski na ang mga dasal sa Latin ay pawang mga gimik na

lamang. Bago ang aking antipara pero hindi ko makita ang

iyong kalasag laban sa mga pinupukol kong pampaalo, para

tuloy mga hinipan ng hanging sinlamig ng amihan na bumalik

ito sa akin.

Maaring natutulog ako kagabi nang tumama ang malaking

bulalakaw at lumikha ng isang kumot na pananggalang sa init

ng araw kaya ang puso mo'y nabalutan ng yelo at niyebe.
"Masarap palang mamanhid sa kalamigan.", sambit mo. "Ito

pala ang nararamdaman mo noon. Bakit ngayon ko lang

natikman?"
Ang isip ko lamang ang sumagot sa katanungan mo, dahil ayaw

ko na marinig mo ang kapaitan ng katotohanan..na ang tanging

nakakapagpatunaw sa mga yelo ay ang luha ng iyong mga mata

sa tuwing tayo ay magkakaroon ng alitan. Ngayon naubos na

ang laman ng balon, wala na rin gatong na magagamit,

kawangis na ng bato ang iyong paninindigan na hindi na ako

muling payagan na ika'y saktan.

Paalam Ed, dumating na ang taglamig sa aking buhay wala na

akong magagawa kung hindi magkulong sa kwarto ng aking

pag-iisa.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento