Sabado, Marso 24, 2012


No one can hurt me without my consent.

Pinapayagan ko kasi.

Bakit ko ba ginagawa iyon?

Bakit ko pinapayagan saktan ng ibang tao ang damdamin ko?
bakit ako naapektuhan ng mga ginagawa nila?
Dahil ba may pagmamahal akong nararamdaman para sa kanila?
Nasasaktan ako kasi hindi ayon sa kagustuhan ko ang nangyayari?
Bakit kumikirot ang puso ko kapag ako ay nabibigo? Nakakapagisip nga ba ang puso ko?
Bakit nagrereact ito kapag sumasagi sa isip ko na hindi na tayo tulad ng dati?
Bakit bigla na lang papatak ang luha? Ang bukasan ba ng luha ko ang puso? kapag nakaramdam ng kirot sensyales na ba ng pagbukas ng glandula ko sa mata para maglabas ng maalat na tubig?

Wala ka naman dito sa tabi ko. Malayo ka nga. Ilang libong milya ang layo pero paanong nakukuhang saktan ako?

Kasi pinapayagan ko.

Masokista. Hanggang kailan ako magiging isang masokista? Hanggang kailan ko bibigyan ng paghanga ang mga nagpepenitensya. bakit ko ba ginagawang santo ang mga ito, inilalagay sa pedestal tulad ng mga bayani. Dahil gusto ko rin bang maging manhid na sa lahat ng mga pasakit? Tulad ng mga rebulto ng mga bayaning walang imik sa kinahantungan ng kanyang lahi?

Kadalasan kinukuha ko pa ang kamay mo para ipagduldulan sa pagaling kong sugat. Parang kanser na ang mga pasakit na nararamdaman, may chemo therapy naman inaayawan ko ito. Ayaw kong gumaling dahil ayaw kong bumitaw.

Ayaw kong bumitaw.

Isa itong katangian ng tao na sadyang kahanga-hanga. Piangtabuyan nang lahat, pinamukha na hindi mo n asiya gusto at wala na siyang halaga sa iyo, ayaw pa rin bumitaw. Kasi ang tanging pandikit na pilit kumakapit sa sakit ay ang salitang pag-asa.

Pag-asa.

Madalas kong marinig "Habang may buhay, may pag-asa." Maganda nga naman ang ganoong paniniwala, hindi ka agad susuko. Dahil ang tunay na pagmamahal ay hindi sinusukuan, ilang libong sibat man ang iharang ay iyong susuungin mapatunayan lang ang nararamdaman.
Dito-dito tayo nagkakaproblema. Sa pag-ibig na ito. Mas maganda sa una palang alam mo na kung totoo ba o peke. Kung totoo, kahanga-hanga talaga pero kung peke (na madalas ito ang nangyayari), e kailngan magkaroon ng maiging pagmumuni. Hanggang saan ang pagbabalatkayo? Sa una palang malinaw na dapat, mayroong hangganan ang pekeng pag-ibig.
Tunay nga ang sinasabi ng mga pantas "hindi kailanman mahahawakan ang kawalan, hindi maguguhit ang walang porma."
Dahil kung wala naman talaga, wala iyon. Hindi nakailangan pang pagbaligtarin ang bawat istorya. Kung wala paano mo gagawan ng porma?
Nasa pagtatanong pala ng Wala o meron ang dapat unang-una na alamin.

Dapat naniwala na ako sa aking sarili noon pa na wala nagpaloko lang ko na meron. Ngayon isinisigaw mo na sa mukha ko na wala na, pinagduduldulan ko pa rin nameron. Binubuka ko pa rin ang aking dibdib para suntukin mo ang puso ko, kalmutin mo ng kuko mo handang-handa ko itong ialay para saktan mo.

Dahil pinapayagan ko.

Biyernes, Marso 23, 2012

Top notcher your face


Para sa mga nageexcel sa academics, lalo na sa board exam.

Pangalawang beses ko na naexperience na may makatrabahong board top notcher. Isang taga-Baguio at ngayon ay taga-Cebu.
Noong una ang impresyon ko sa kanila ay medyo ilag, dahil nga sa aking sariling palagay ay may galing talaga sila na dapat lang ibigay. Hindi naman kasi biro ang mag-top sa isang board exam lalo na ngayong panahon na ito na puro na lang kumpetisyon ang nangyayari sa paligid natin.
Malaki ang expectation sa mga taong nangunguna sa iskwela. Parang inaasahan lagi na magproduce ng isang exemplary achivement sa bawat gagawin. Kaya naman marami rin sa mga ito ang nasisiraan ng bait kapag nabigo na magawa ang mga bagay na iyon.

Nong una naisip ko na, kailngan ko na naman gawin pala ang diskarte ko noong college ngayon sa trabaho ko. Ang mag-aral ng mas maraming oras kaysa mga kaklase ko. Hindi naman kasi ako gifted tulad nila, na madaling makapick-up ng lesson. Kailangan ko pang tutukan sa madaling araw ang lesson para lang maintindihan ko. Kapag kasi marami ng istorbo sa paligid ay agad nawawala ang konsentrasyon ko, lalo na kapag talagang complicated at involve ang matinding pagiisip.

Aral dito at aral doon, basa dito at basa doon. Pagtapos ng oras sa opisina sa baay ko naman tinutuloy ang pag-aaral ko. Nakakapressure kasi ang mga kasama ko sa trabaho, isang engineering company ang pinapasukan ko at ang mga pinapadala dito sa main office namin sa Japan ay siguradong may ibubuga, mahirap na mapagiwanan. At iniiwasan ko din namapahiya at masabihan na walang alam.

sa una talagang mangangapa ka, lalo na kapag first time mo makaipagtrbaho sa ibang lahi, lalo na sa hapon. Kilala kasi silang nagpapakamatay sa trabaho, patay kung patay basta tatapusin ko itong trabaho ko. Ito ang mentality na nasa isip ko para sa mga hapones, at totoo nga naman sa 1 taon napagtigil ko doon sapat na panahon na iyon para masaksihan ko kung gaano nila binibigyan ng halaga ang trabaho kaysa pamilya nila.
Ang nasabi ko na lang, "Hindi ko magagawa sapamilya ko iyan." Pero kinokontra din naman ako ng mabisyosong sarili ko, palaging sinasabi sa akin na "dapat hindi ka magpadaig, kung kaya nila, kaya mo din." Kaya naman higit pa sa kayod kalabaw ang ginawa ko. Hindi ko makakalimutan iyong experience ko na hinahabol ang last trip ng subway tren pauwi ng accomodation ko at masabihang "You will not go home until you finish your work, even you die." Napakalupit! Ganoon sila sa trabaho.

Sa kabila ng pagpupursige ay kahit paano pumapasa naman ang pagpapaalila ko sa mga hapon, at mas nakakalamang ako sa kasama ko. Ayaw ko man ikatuwa ay parang nagustuhan ko din. Dahil nga isa itong kasama ko sa tinitingala sa Pinas pagdating sa talino. Pero naisip ko din na may problema ang kasama ko na ito kung bakit hindi siya makapag-perform ng maayos sa trabaho.
Unang-una ay ang kanyang ugali, masyado siyang mahiyain. Malumanay at mahina ang boses. Ikalawa naman, naisip ko, nadahil siya ay top notcher mas nararapat sa kanya ang engineering design work para mas magamit niya an utak niya. Sa linya ng trabaho namin makikita ko na mahalaga ang komunikasyon, logical thinking at imagination. Hindi ko nakikita sa kanya ang ganitong katangian.
Ilan beses na rin namin siyang sinabihan na baguhin nya ang estilo ng pakikitungo niya dahil hindi uubra ang ganoon.
Isang beses, may pinagawa sa kanya ang isang hapon na kasama namin, at hindi niya natapos agad. Sinabihan ba naman siyang "You have big body, you're getting fat, I just hope that it all goes to our head." Napakalaking insulto noon hindi ba? Muntik na niyang masapak ang hapon pinigilan ko lang sinabi lang sa kanya na isipin ang pamilya niya.

Ano ba ang gusto kong sabihin dito? Ang gusto ko lang ipunto na porke nag-excel ka sa isang bagay ay ibig sabihin ay kaya mong mag-excel sa iba. Dapat piliin mo mabuti ang trabaho na papasukan mo kung ayon ba ito sa personalidad na mayroon ka. Mas mapapadali kasi ang paggawa sa isang bagay kung ayon ito sa iyo.

Ganito rin pala ang ugali ng kasama ko ngayon. May sariling mundo rin. haay, paano kaya ito hirap kasama.

Huwebes, Marso 22, 2012

Para masabing mabait


Ano ba ang kailangan mong gawin para mapatunayan na mabait kang tao?

Iyan ang post ng coworker ko sa kanyang fb.

Ito lang nasabi ko.

Wala kang dapat patunayan. Kung ano ang sa tingin mo ay tama para sa iyo, iyon ang gawin mo.

Mapapansin ninyo ang salitang "para sa iyo" ibig sabihin unang-una mong isaalang-alang ang sarili mo sa lahat ng gagawin mo. Kung sasaya ka sa isang bagay at makakabuti ng iyong damdamin nararapat lamang na gawin mo ito. Sarili mo iyan e, ikaw lang kasi ang makakapagpasaya, ikaw lang ang makapagsasabi kung saan ka masaya.

Isa pang pinunto ko e, "Kahit na ilang libong beses ka gumawa ng  mabuti at magkamali ng isang beses, ang pagkakamali mo lang na iyon ang makikita ng mga tao."

Tama 'di ba? Ganoon naman palagi e, tapos kapag nangyari iyon parang napakasama mo na talagang tao. Para bang hindi ka na pwedeng magkamali. Bakit Diyos ba ako? O isang banal na nilalang na hindi kailanman dapat magkamali? Kahit na nga ang isinugo ng Diyos nakukuha pa din magkasala, hindi ba?
Sabi sa bibliya "Kung sino ang walang kasalanan, siya ang unang pumukol ng bato."

Kasi kung iintindihin natin ang mga sinasabi ng ibang tao walang mangyayari sa buhay natin. hindi natin kailangan iplease o paligyahin natin sila ayon sa tingin nila na tama. Isang kahipokritohan ang ganoon, wala kang sariling paninindigan kapag ganoon ang ginagawa mo. Parang isang malaking pagkukunwari lang ang buhay mo. Parang kusang loob mo lang na ipinasok ang sarili mo sa isang hawla, ikaw mismo ang nagbibigay ng paghihirap sa sarili mo.

Bakit? Sino ba ang mga tao na kasama mo ngayon? Kung bago mo lang sila kakilala, ano ba ang halaga nila bakit kailangan pakibagayan mo sila? Alam ba nila ang nangyari sa iyong kahapon? Kasama ka ba nilang lumuha ng nasaktan ka? Sila ba ang nagbigay sa iyo ng lakas ng loob para malamapasan mo ang pagsubok sa iyo? Hindi naman, 'di ba?
Kaya wala silang karapatan o kung ano man na magsalita o magsabi sa iyo na hindi ka mabuting tao.

Babalik ako sa unang sinabi ko. Ikaw ang makakapagsabi kung mabait ka o hindi. Ikaw lang ang makakapagpasaya sa sarili mo. Huwag mong isipin ang ibang tao. Dapat nga na isipin mo na ginagawan mo lang sila ng pabor na isaalang-alang sa mga giangawa mong desisyon sa buhay mo.

"Each of us has its own shit to deal with and you don't want to mess with other people's shit."

Martes, Marso 20, 2012

Ngayon


Hahamunin ko si kamatayan.

Wala na akong gana.

Doon ako sa mga delikadong lugar.

Doon sa hindi ka makakapunta.
Sa panaginip mo lang ako kayang dalawin.
Papayagan naman kita paminsan-minsan.

Magiging okupado ang isip ko kasi doon
mauubusan na ako ng oras patuluyin ang nakaraan
dahil ang importante sa lugar na iyon ay ang ngayon
Hindi ang bukas...
'di bale na ang bukas..siya na ang bahala na mag-alala
sa kung anong mangyayari sa kanya...

Linggo, Marso 18, 2012

Para Saan pa?


Para saan pa ang gagawin kong pagpaparamdam  sa iyo?
Para maalala mo ang mga pasakit na ibinigay ko sa iyo?

Bakit mo ako pinapahirapan, Ed?

Ikaw na rin ang nagsabi lubayan na kita.

Pero bakit dinadalaw mo pa rin ako sa panaginip?

Gustuhin ko man ay pinipigilan ako ng mga salitang binitawan mo sa akin. Sa dami ng pagtatalo ng aking sarili ay nauuwi lang ito sa "para saan pa?".

Para ipamukha mo na, ako lahat ng may kasalanan ng lahat? Ikaw lamang ang biktima?

Iyan ang gusto mong maramdaman ko hindi ba? Alam mo bang sa tuwing maalala ko ang sinabi mo na iyan habang tumutulo ang luha mo ay nadudurog ang puso ko.
Kung pwede lang nga dukutin ito at itapon. Ayaw ko na kasing bigyan pa ng oras ang ganitong damdamin kasi alam ko wala rin naman pupuntahan.

Ako ang salarin, Ikaw ang biktima.

Tulad ng paulit-uli tmong ibinabato sa akin...ikaw ang biktima dito...nakakalungkot isipin na ang lahat ng panahon na iyon ay balewala lang.

Huwebes, Marso 15, 2012

Pekeng sapantaha


Gusto mong magsulat ng mga entry na inspirational ang dating. Iyong tipong may mapupulot ang mambabasa mo. Pero hindi lumalabas ang mga salita dahil parang wala kang karapatan isulat ang mga ito. Ang mga ginagawa mo ngayon ay bumabara sa mga lagusan ng tunay na kaalaman.
Hindi mo kailangan magpakapantas para maliwanagan, dahil ang tunay na kaalaman ay nasa paligid lang. Kung ang isang tao ay ibubukas ang kanyang mga mata ay makikita na niya ang dapat niyang gawin sa buhay.
Pero marami ngang mga gumugulo sa tao. Marami siyang dapat pakibagayan. Marami siyang dapat bigyan ng pabor. Itong mga dahilan na ito ay para maituring siya bilang kasama ng lipunan.
Dahil kapag nagawi sa karamihan ang iyong gawa ay itatrato ka nilang baliw. O kailangan ng madidibang paliwanagan para makita mo ang iyong dinadaanan. Ngayon hindi mo sila maintindihan bakit ganoon? Hindi naman nagdidilim ang landas mo, bakit pilit ka nilang inaalok ng huwad na liwanag.

Para ba ikaw ay makapagpamalas ng huwad na kaalaman?

Baka, mapagbalat kayong pamumuhay.

Hindi ka makakapgsulat ng mga aral sa buhay kung ang buhay mo mismo ay puno ng kasinungalingan. Hindi magtatagal ang mga panlilinlang. Mapapagod ka o mabubuking sa iyong mga pekeng sapantaha.

Miyerkules, Marso 14, 2012

Gago ang itawag mo sa akin


Matatawag bang matinong tao ang nagtatrabaho ng tapat? Nagpapawis at pinaghihirapan ang bawat perang natatangap bilang kabayaran sa serbisyong ibinigay sa kumpanya? Matatawag mo pa rin bang matino ang tao na iyon kung habang nagtatrabaho siya ay gumawa siya ng kalokohan?

Magkakontra ang dalawang bagay na ginawa, napunta din sa wala ang isang equation na ito.

Pwede palang tawagin o walang tawag sa ganoong klase ng tao, wala. Wala? Ibig ba sabihin nito e, hindi siya nageexist? Tama! Dahil dapat lang na ituring na hindi nageexist ang ganitong tao.
Dahil isang gago lang ang gumagawa ng ganitong bagay. E, di pwede natin siyang tawaging Gago?

Pwede, at dapat lang na Gago ang itawag sa kanya.

E paano kung ang ginagawa mong matinong bagay ay mas matimbang sa mga kagaguhan mo?

E, loko-loko ang tawag doon.

Loko-loko? Parang baliw na iyon ah.

Oo, baliw nga.

Sobra ka naman humusga. Hindi mo naman alam ang dahilan kung bakit ginagawa niya iyon.

Ano ang dahilan, aber?

Maari kaya niya ginagawa iyon ay para mabawasan ang pressure na nararamdaman niya. O di kaya, para malibang naman siya kahit paano. Hindi ba, sabi nila na hindi uubra ang "All work, no play." sa isang tao.

sabagay may punto ka, dapat pala sinabi mo napagusapan natin kanina ang degree ng pagkagago niya. Baka nga naman para lang sa pagkakalibangan iyon.

Iyon ang dapat natin alamin bago natin husgahan ang isang tao.

Teka-teka, hindi ba parehas pa rin iyon, hindi gaanong gago, gago, sobrang gago, iyon parin iyon may gago pa din.


Huwag na nga natin pahabain ang usapan.

Ok, sige na nga, gago tayong lahat.