Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Sa akin. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Sa akin. Ipakita ang lahat ng mga post

Linggo, Abril 22, 2012

Adik


Adik

Dapat bang tingalain si Agent Ethan ng Mission Impossible? Kapapanood ko kagabi ng Ghost Protocol, at ilan beses pinakita sa pelikula ang eksena kung saan tinatanong ng recorded na boses kung tatanggapin ba ng agent ang mission na binibigay sa kaniya, sabay bibigyan ng babala na kusang masisira ang mensahe.

Sa mga action na pinakita niya na parang hindi siya nasasaktan sa mga sugat at bugbog na nakukuha ng katawan niya ay kahanga-hanga. Idagdag mo a rin ang buo na kalooban, walang takot sa paggapang sa pinakamataas na gusali sa mundo at pagbabaging para makapasok sa kanilang kwarto ay dapat talagang hangaan.

Pero nung bandang huli matapos nilang mapigilan ang pagtama ng rocket na may nuclear sa America pinakita ang kaniyang asawa na buhay pala. Naramdaman at napansin ng asawa niya mula sa malayo si Ethan at sila ay nagtititgan sandali sabay bigay ng kaunting kaway at ngiti. Akala ko ay susundan niya sa tindahan na pinasukan nito, pero siya ay umalis muli at tiningnan ang bagon niyang misyon.

Isa lang ang pumasok sa isip ko, adik ka Ethan! Isa kang adrenaline junkie, mas gusto pa niyang nalalagay sa panganib ang buhay niya kaysa makasama niya ang asawa niya. May balanse ba sa klase ng pamumuhay niya? Parang isang robot lang si Ethan na ang tanging purpose ay ilagay sa panganib ang kaniyang buhay.

Base sa binabasa kong self help book ay siya ay kasama sa mga Job Centered life na tao, na ang tanging self worth na nakikita nila sa sarili nila ay kapag sila ay nagtatrabaho. Naiinis ako kasi, parang ganoon na din ako, mas maraming panahon pa na nasa trabaho ako kesa kasama ko ang pamilya ko. Pagkatapos kung saan pa delikado ang lugar doon pa din ako naassign. Parehas lang kami ni Ethan, badtrip. Kaya ganoon na lang ang pagkadismaya ko. Imbes na gumanda ang pakiramdam ko sa movie e, napaisip pa ako tungkol sa klase ng buhay na meron ako ngayon.

Isa rin akong adik!

Biyernes, Abril 20, 2012

Inbox


Ilan beses ba akong nagbubukas-sara ng aking gmail account? Para akong tangang sabik pang tinitipa ang password, akala monaman e mayroong magi-email sa akin.
Pagbukas ko ng inbox ay tanging si Lina Jobstreet lang ang nagpadala. Kung hindi man siya si Bo Sanchez, kung hindi man ang iba ko pang subscription na article. Ang dating inbox ko na puno ng pangalan mo ay napalitan ng gawaing interesado ako.
Pero bakit ganoon? Hindi na ako kasing sigasig tulad ng dati? Mga interes ko naman ito, bago kita nakilala. Pilit kong hinuhukay ang dating sarili ko bago pa nangyari ang lahat ng ito sa atin.
Alam ko na walang silbi ang mga ito, ginagawa ko lang para kahit paano maalis ng kukote ko ang alaala mo. Gagawin at gagawin ko ang mga boring na bagay na ito, nasa pagsasanay lang naman iyan ng utak. Ako ang kumokontrol sa saili ko, wala kang magagawa sa akin.
Lumayo ka na, lumayas ka. Hindi mo ba alam, sinasaktan mo lang ako.
Oo, bukas gagawin ko na naman itong kauululan na ito. Ilan beses ko na naman ibubukas sara ang inbox hanggang sa hindi na ang pangalan mo ang hahanapin ko.

Kalungkutan


Kalungkutan.

Alam mo ba kung paano ako pinahirapan nito? Alam mo ba kung paano inalis nito ang respeto ko sa sarili ko? Alam mo ba kung paano binago nito ang pagkatao ko?

Sa tingin ninyo ako ang mali. Ako ang mahina. Ako ang dahilan ng lahat ng kaputahan na nararanasan natin ngayon.

Madali lang ang magsalita kapag hindi ikaw mismo ang nakakaranas ng hirap na pinagdadaanan ko. Madaling magturo kung sino ang may sala lalo na kung puro kasarapan sa buhay ang iyong nararanasan.

Bakit ilang beses mo na bang iniyakan ang kalungkutan? Ilang beses mo na bang sinabi sa kanya na iwan ka? Ilan beses mo bang tinakbuhan? Ilan?

Hanggat sa makakaya ko ay iniwasan ko ang mga tukso niya sa akin. Hanggat makakaya ko inaliw ko ang aking sarili. Hanggat makakaya ko hindi ko siya pinagtuonan ng pansin.

Nagpakatatag ako, pilit na inaalala ang lahat ng mga masasayang araw natin na magkasama. Laging pinapaalala sa sarili ang mga plano pa natin.

Mahina ang tao kapag siya ay nagiisa. MAhina ang sinuman malakas kapag siya puno ng kalungkutan. Ang demonyo ay tulad ng leon, lagi lang nakaabang sa likod ng talahab, handang sagpangin at kalmutin lagi ang kaniyang bibiktimahin. Nahuli niya ang kahinaan ko.

Ngayon, ang dating ako ay ibang-iba na. Ang akala ko na matibay na pader ng pagmamahal ko sa iyo ay natibag ng bigla. Ang pundasyon ng aking pagkatao ay gumuho.

Kaya ngayon ay nagtatanong ka bakit nagbago ako. Kaya ngayon pinagduduldulan mo sa mukha ko ang kahinaan ko.

Bakit hindi ka naman nakaranas ng mga paghihirap na ipinasan sa akin. Sino ang mga kasama mo habang magkahiwalay tayo? Ang ating anak, iyong pamilya, mga kaibagan. O anong tibay ng iyong mga sandalan, dapata talagang kainggitan.

Hindi ko na alm kung ilan beses ng pumatak ang luha ko. hindi ko na mabilang kung ilan beses ko na pinulot ang sarili ko sa pagkakadapa. Ayaw ko na. Suko na ako, parang wala ng saysay ang lahat ng putang-inang sakripisyo na ito.

Dahil sa ngayon, ang lahat ng sakripisyong ito ay balewala. Parang bulak ang gaan. Dahil ang mga batayan ng putang-inang komunidad kung saan tayo nabubuhay ay malupit para sa mga mahihinang katulad ko.

Sa totoo lang dapat isipin ko na lang ang sarili ko. Hindi ba iyon ang nararapat? Dahil alam ko naman kapag nagkaputa-puta na, lahat ng mga mata nyo na titingin sa aking pagkatao ay parang mga palaso. Puno ng pangungutya at panghuhusga na parang ang lahat ng ginawa ko sa inyo ay walang halaga. Bakit nga ba hindi pa ako tuluyan lumayas? Iwan na ang mga pagmumukhang timang, maging tunay na makasarili. Dahil alam ko sa bandang huli ang sarili ko lang ang tangi kong kasama.

Ang dating ako ay wala na, pinalitan ng mapagkunwari at mapanlinlang. huwag ka ng malungkot at umiyak diyan, nagkamali ka lang ng pinagkatiwalaan. Paalam, paalam na.

Sabado, Marso 24, 2012


No one can hurt me without my consent.

Pinapayagan ko kasi.

Bakit ko ba ginagawa iyon?

Bakit ko pinapayagan saktan ng ibang tao ang damdamin ko?
bakit ako naapektuhan ng mga ginagawa nila?
Dahil ba may pagmamahal akong nararamdaman para sa kanila?
Nasasaktan ako kasi hindi ayon sa kagustuhan ko ang nangyayari?
Bakit kumikirot ang puso ko kapag ako ay nabibigo? Nakakapagisip nga ba ang puso ko?
Bakit nagrereact ito kapag sumasagi sa isip ko na hindi na tayo tulad ng dati?
Bakit bigla na lang papatak ang luha? Ang bukasan ba ng luha ko ang puso? kapag nakaramdam ng kirot sensyales na ba ng pagbukas ng glandula ko sa mata para maglabas ng maalat na tubig?

Wala ka naman dito sa tabi ko. Malayo ka nga. Ilang libong milya ang layo pero paanong nakukuhang saktan ako?

Kasi pinapayagan ko.

Masokista. Hanggang kailan ako magiging isang masokista? Hanggang kailan ko bibigyan ng paghanga ang mga nagpepenitensya. bakit ko ba ginagawang santo ang mga ito, inilalagay sa pedestal tulad ng mga bayani. Dahil gusto ko rin bang maging manhid na sa lahat ng mga pasakit? Tulad ng mga rebulto ng mga bayaning walang imik sa kinahantungan ng kanyang lahi?

Kadalasan kinukuha ko pa ang kamay mo para ipagduldulan sa pagaling kong sugat. Parang kanser na ang mga pasakit na nararamdaman, may chemo therapy naman inaayawan ko ito. Ayaw kong gumaling dahil ayaw kong bumitaw.

Ayaw kong bumitaw.

Isa itong katangian ng tao na sadyang kahanga-hanga. Piangtabuyan nang lahat, pinamukha na hindi mo n asiya gusto at wala na siyang halaga sa iyo, ayaw pa rin bumitaw. Kasi ang tanging pandikit na pilit kumakapit sa sakit ay ang salitang pag-asa.

Pag-asa.

Madalas kong marinig "Habang may buhay, may pag-asa." Maganda nga naman ang ganoong paniniwala, hindi ka agad susuko. Dahil ang tunay na pagmamahal ay hindi sinusukuan, ilang libong sibat man ang iharang ay iyong susuungin mapatunayan lang ang nararamdaman.
Dito-dito tayo nagkakaproblema. Sa pag-ibig na ito. Mas maganda sa una palang alam mo na kung totoo ba o peke. Kung totoo, kahanga-hanga talaga pero kung peke (na madalas ito ang nangyayari), e kailngan magkaroon ng maiging pagmumuni. Hanggang saan ang pagbabalatkayo? Sa una palang malinaw na dapat, mayroong hangganan ang pekeng pag-ibig.
Tunay nga ang sinasabi ng mga pantas "hindi kailanman mahahawakan ang kawalan, hindi maguguhit ang walang porma."
Dahil kung wala naman talaga, wala iyon. Hindi nakailangan pang pagbaligtarin ang bawat istorya. Kung wala paano mo gagawan ng porma?
Nasa pagtatanong pala ng Wala o meron ang dapat unang-una na alamin.

Dapat naniwala na ako sa aking sarili noon pa na wala nagpaloko lang ko na meron. Ngayon isinisigaw mo na sa mukha ko na wala na, pinagduduldulan ko pa rin nameron. Binubuka ko pa rin ang aking dibdib para suntukin mo ang puso ko, kalmutin mo ng kuko mo handang-handa ko itong ialay para saktan mo.

Dahil pinapayagan ko.

Biyernes, Marso 23, 2012

Top notcher your face


Para sa mga nageexcel sa academics, lalo na sa board exam.

Pangalawang beses ko na naexperience na may makatrabahong board top notcher. Isang taga-Baguio at ngayon ay taga-Cebu.
Noong una ang impresyon ko sa kanila ay medyo ilag, dahil nga sa aking sariling palagay ay may galing talaga sila na dapat lang ibigay. Hindi naman kasi biro ang mag-top sa isang board exam lalo na ngayong panahon na ito na puro na lang kumpetisyon ang nangyayari sa paligid natin.
Malaki ang expectation sa mga taong nangunguna sa iskwela. Parang inaasahan lagi na magproduce ng isang exemplary achivement sa bawat gagawin. Kaya naman marami rin sa mga ito ang nasisiraan ng bait kapag nabigo na magawa ang mga bagay na iyon.

Nong una naisip ko na, kailngan ko na naman gawin pala ang diskarte ko noong college ngayon sa trabaho ko. Ang mag-aral ng mas maraming oras kaysa mga kaklase ko. Hindi naman kasi ako gifted tulad nila, na madaling makapick-up ng lesson. Kailangan ko pang tutukan sa madaling araw ang lesson para lang maintindihan ko. Kapag kasi marami ng istorbo sa paligid ay agad nawawala ang konsentrasyon ko, lalo na kapag talagang complicated at involve ang matinding pagiisip.

Aral dito at aral doon, basa dito at basa doon. Pagtapos ng oras sa opisina sa baay ko naman tinutuloy ang pag-aaral ko. Nakakapressure kasi ang mga kasama ko sa trabaho, isang engineering company ang pinapasukan ko at ang mga pinapadala dito sa main office namin sa Japan ay siguradong may ibubuga, mahirap na mapagiwanan. At iniiwasan ko din namapahiya at masabihan na walang alam.

sa una talagang mangangapa ka, lalo na kapag first time mo makaipagtrbaho sa ibang lahi, lalo na sa hapon. Kilala kasi silang nagpapakamatay sa trabaho, patay kung patay basta tatapusin ko itong trabaho ko. Ito ang mentality na nasa isip ko para sa mga hapones, at totoo nga naman sa 1 taon napagtigil ko doon sapat na panahon na iyon para masaksihan ko kung gaano nila binibigyan ng halaga ang trabaho kaysa pamilya nila.
Ang nasabi ko na lang, "Hindi ko magagawa sapamilya ko iyan." Pero kinokontra din naman ako ng mabisyosong sarili ko, palaging sinasabi sa akin na "dapat hindi ka magpadaig, kung kaya nila, kaya mo din." Kaya naman higit pa sa kayod kalabaw ang ginawa ko. Hindi ko makakalimutan iyong experience ko na hinahabol ang last trip ng subway tren pauwi ng accomodation ko at masabihang "You will not go home until you finish your work, even you die." Napakalupit! Ganoon sila sa trabaho.

Sa kabila ng pagpupursige ay kahit paano pumapasa naman ang pagpapaalila ko sa mga hapon, at mas nakakalamang ako sa kasama ko. Ayaw ko man ikatuwa ay parang nagustuhan ko din. Dahil nga isa itong kasama ko sa tinitingala sa Pinas pagdating sa talino. Pero naisip ko din na may problema ang kasama ko na ito kung bakit hindi siya makapag-perform ng maayos sa trabaho.
Unang-una ay ang kanyang ugali, masyado siyang mahiyain. Malumanay at mahina ang boses. Ikalawa naman, naisip ko, nadahil siya ay top notcher mas nararapat sa kanya ang engineering design work para mas magamit niya an utak niya. Sa linya ng trabaho namin makikita ko na mahalaga ang komunikasyon, logical thinking at imagination. Hindi ko nakikita sa kanya ang ganitong katangian.
Ilan beses na rin namin siyang sinabihan na baguhin nya ang estilo ng pakikitungo niya dahil hindi uubra ang ganoon.
Isang beses, may pinagawa sa kanya ang isang hapon na kasama namin, at hindi niya natapos agad. Sinabihan ba naman siyang "You have big body, you're getting fat, I just hope that it all goes to our head." Napakalaking insulto noon hindi ba? Muntik na niyang masapak ang hapon pinigilan ko lang sinabi lang sa kanya na isipin ang pamilya niya.

Ano ba ang gusto kong sabihin dito? Ang gusto ko lang ipunto na porke nag-excel ka sa isang bagay ay ibig sabihin ay kaya mong mag-excel sa iba. Dapat piliin mo mabuti ang trabaho na papasukan mo kung ayon ba ito sa personalidad na mayroon ka. Mas mapapadali kasi ang paggawa sa isang bagay kung ayon ito sa iyo.

Ganito rin pala ang ugali ng kasama ko ngayon. May sariling mundo rin. haay, paano kaya ito hirap kasama.

Huwebes, Marso 15, 2012

Pekeng sapantaha


Gusto mong magsulat ng mga entry na inspirational ang dating. Iyong tipong may mapupulot ang mambabasa mo. Pero hindi lumalabas ang mga salita dahil parang wala kang karapatan isulat ang mga ito. Ang mga ginagawa mo ngayon ay bumabara sa mga lagusan ng tunay na kaalaman.
Hindi mo kailangan magpakapantas para maliwanagan, dahil ang tunay na kaalaman ay nasa paligid lang. Kung ang isang tao ay ibubukas ang kanyang mga mata ay makikita na niya ang dapat niyang gawin sa buhay.
Pero marami ngang mga gumugulo sa tao. Marami siyang dapat pakibagayan. Marami siyang dapat bigyan ng pabor. Itong mga dahilan na ito ay para maituring siya bilang kasama ng lipunan.
Dahil kapag nagawi sa karamihan ang iyong gawa ay itatrato ka nilang baliw. O kailangan ng madidibang paliwanagan para makita mo ang iyong dinadaanan. Ngayon hindi mo sila maintindihan bakit ganoon? Hindi naman nagdidilim ang landas mo, bakit pilit ka nilang inaalok ng huwad na liwanag.

Para ba ikaw ay makapagpamalas ng huwad na kaalaman?

Baka, mapagbalat kayong pamumuhay.

Hindi ka makakapgsulat ng mga aral sa buhay kung ang buhay mo mismo ay puno ng kasinungalingan. Hindi magtatagal ang mga panlilinlang. Mapapagod ka o mabubuking sa iyong mga pekeng sapantaha.

Huwebes, Marso 8, 2012

Ikaw at ako


Sometimes believing in yourself is a conscious decision not to believe others.

Bakit nga ba?
siyempre ikaw lang ang nakakakilala talaga sa sarili mo. Ikaw ang humaharap sa salamin at nakikipagusap sa gaya-gayang kahawig mo sa salamin. Siya ang laging mong kasama, masaya o malungkot. Mas nakikilala mo siya kapag siya ay malungkot dahil siya lang ang laging handa na samahan ka sa mga page-emote mo sa buhay.
Madalas nga sikretong usapan ninyo sa loob ng opisina, o kaya kung ikaw ay bigla na lang natutulala. Nadadala ka nya sa kanyang mga kwento ng pakikipagsapalara. O dili kaya ay kayang ka nyang dalhin sa mundo ng kawalan. Bingi sa ingay ng katotohanan kahit panandalian lamang.
Mas madalas tuloy mas pinipili mo pang maging tulala, dahil alam mo na doon k alang mapapayapa. Akala tuloy ng iba nababaliw ka na, pero sa totoo inggit sila sa nangyayari sa iyo.

Tama ba na paminsan-minsan lang ang pagtitiwala mo sa kanya? Isipin mo, kung hindi mo siya paniniwalaan may mararating ka ba? Sa tingin mo kaya kabang paangkasin ng mga taong pinagkakatiwalaan mo at dalhin ka sa lugar na gusto mong marating? Hindi, 'di ba? Dahil kung wala siya at hindi ka naniniwala sa kanya ay hanggang ngayon nangangalit pa rin ang ipin mo at nagtatanong na, "Ano ba ang dapat kong gawin para mapunta sa kinalalagyan nila?"

Samakatuwid, ikaw at siya ay kailangan maging magkasangga, dahil siya ay ikaw. Ang pagkabigo mo ay pagkabigo niya. Ang tagumpay mo ay tagumpay niya.

Martes, Marso 6, 2012

Pagpapakilala


"Late bloomer na nakikiuso lang." Ito sana ang isusulat ko sa unang post ko kaso biglang nagtalo ang isipan ko na hindi na pala uso ang blog, hahaha!

Gumawa lang ako nito kasi nakakabato sa opisina. Dati kasi nagsusulat talaga ako ng kung ano-anong tae na pumasok sa isipan ko. Pero may mga nangyari sa akin na napagdesisyunan ko na burahin ang una kong talaarawan ng kabaliwan.

Naging palaboy n alang ako, kahit saan at nong klase ng papel na lang ako nagsusulat. Kaya naman matapos magpalaboy-laboy e, humanap muli ako ng bahay.

Gusto ko ang gmail, kasi para sa akin na 'di maalam gaano sa kompyuter ay feeling secured sa security option ng gmail. Tapos sa pagkakalikot ko sa mga option nito ay nakita ko ang blogger, kaya iyon natukso akong sumulat muli.

Hindi ko kino-consider na maayos ang isisulat ko dito, mga kung anong tae lang sa utak ko ang ilalagay ko. Siyempre ngayon magiging tapat na ako sa sarili ko, kaya lahat ng shit na naiisip ko ay isusulat ko dito.
Bahala na ang mga magbabasa kung meron man, basta susulat ako. Gusto ko lang maipon ang lahat ng mga tinae ko para sa pagtanda ko  ( kung papalarin) ay may mababasa akong mga kataehan na pinaggagawa ko. (Makikinog kaya ang Apo ko? Magkaka-apo kaya ako?)

Nga pala, ito ang ilang impormasyon ukol sa akin.

Nakapagtapos naman ako ng kolehiyo, at nasa isang teknikal na uri ng trabaho. Kung saan nakakaramdam ako ng satisfaction naman sa ginagawa ko, iyong bang may makita kang accomplishment na pwede mong maipagmalaki kahit paano.

May sarili na akong pamilya, buhay pa ang aking mga magulang at dalawa ang aking kapatid.

Lumaki akong isang katoliko pero gusto ko pang lumalim ang kaalaman ko sa relihiyon.

Naniniwala ako sa maka-demokratikong pamamaraan ng pamamahala.

Lohikal akong tao.

Mahilig ako sa rock, country music at classical. Pero gusto ko rin ng rap ng pinoy, mas may emosyon at nakakarelate ako sa kanilang mga tula.

Nakatira ako sa kubo sa tabing ilog, na napapaligiran ng maraming puno. Hindi ko mapatubo ang damo sa harap ng bahay ko.

Gusto ko sana motor at bisikleta lang ang aking sasakyan pero may pamilya ako kaya kumuha na din ako ng may apat na gulong.

Pangarap ko sa buhay ay magkaroon ng sariling bukid, ayaw ko talagang mahiwalay sa pamilya ko.

Marami pa akong ibabahagi na tungkol sa akin sa mga susunod na mga post ko dito.

Hanggang sa muli.

Pino